Biyahe ng PNP officials sa Germany binira ng solons
Binatikos kahapon ng ilang mambabatas ang pagbibiyahe sa Mu nich, Germany noong unang linggo ng Oktubre ng ilang opisyal ng Philippine National Police sa pangunguna ni Director Geary Barias ng PNP Directorial Staff.
Sinabi ni House of Representatives Deputy Minority Leader at Bayan Muna partylist Rep. Satur Ocampo na kailangang ipaliwanag sa publiko ang naturang biyahe at ang naging gastusin dito.
“Maliban na lang kung sangkot ang pambansang seguridad, kailangang malaman ng publiko ang tungkol sa pagbibiyaheng ito,” sabi pa ni Ocampo.
“Dapat maging sensitibo ang matataas na opisyal ng PNP sa magiging pananaw ng mamamayan. Nakukuwestyon ngayon ang kanilang integridad,” sabi naman ni Manila Rep. Bienvenido Abante.
Ayon sa tagapangulo ng Movement for Clean Governance na si Ruel Pascual, hindi dapat itinuloy ang biyahe sa Munich dahil kabagu-bago lang ng iskandalo ng tinatawag na Euro generals.
Napaulat na magkakasama umano sa Munich sina Barias, Quezon City Police District Chief Sr. Supt. Magtanggol Gatdula, District Operations Chief Sr. Supt. Federico Laciste at District Mobile Force Chief Sr. Supt. Neri Ilagan.
Iginiit naman ng QCPD sa isang pahayag na isang opisyal na tungkulin ang nabanggit na biyahe sa Munich kasunod ng imbitasyon ni Horacio Lactao, sergeant at arms ng House. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending