Gloria 'di bababa
Walang indikasyong bababa sa kapangyarihan si Presidente Gloria Arroyo sapagkat ang binabalak na Konstitusyon ay naglalayong manatili siya sa poder.
Ito ang paniniwala ni Liberal Party President at Senador Mar Roxas na nagsabing ipipilit ng mga alipores ng Pangulo na maipasa ang “Gloria Forever Constitution.”
Ayon kay Roxas, wala nang makuhang suporta ang administrasyong Arroyo sa taumbayan dahil sa pagkabigo nitong tuparin ang pangako nitong maging malinis at mahusay sa pamamahala.
Ayon pa kay Roxas, anumang tangkang pwersahin ang pagpapasa ng “Gloria Forever Constitution” ay lalo lang patitibayin ang papel ng Arroyo Administrasyon bilang siyang pinakasugapa sa kapangyarihan at pinakainutil na gobyerno sa kasaysayan, ani Roxas sa isang speech ngayong linggo sa Private Hospitals Association of the Philippines.
Mas interesado ang mga Pilipino sa 2010 elections kaysa sa isinusulong na Charter Change na sa totoo lang ay “Gloria Forever Constitution” ng mga kaalyado ni Pangulong Arroyo sa Kamara, dagdag ni Roxas.
“Mayroon tayong social contract...pero ang kontratang ito ay wala na. Napunit na ang kasunduang iyon. Punit-punit na ang social contract na ito kaya pakiramdam ng marami nating kababayan ay hindi na sila bahagi ng lipunan at ng pamahalaan kaya marami sa ating mga kabataan ay wala nang pakialam kung ano ang mga nangyayari sa bansa,” ayon sa senador .
Gayunman, naniniwala ang Ilonggong senador na makakatulong ang mga Pilipino para magkaroon ng reporma sa gobyerno sa pamamagitan ng pakikilahok sa 2010 national elections.
- Latest
- Trending