Puganteng Kano ipapatapon
Inutos ng Bureau of Immigration ang pagpapatapon palabas ng bansa sa isang puganteng Amerikano na wanted at pinaghahanap ng mga awtoridad sa Estados Unidos dahil sa kasong bribery at extortion.
Ayon kay BI Commissioner Marcelino Libanan, nagpalabas sila ng deportation order laban kay Rommel Isidera Schroer, 33 anyos, at inilagay na din ito sa blacklist ng ahensya.
Ipapatapon umano si Schroer pabalik sa US para harapin ang kaso sa district court sa Qrizon.
Nabatid din ng BI na hindi dokumentado ang dayuhan nang siya ay maaresto dahil matagal nang kinansela ng US ang kaniyang pasaporte.
Batay sa record ng BI, naaresto si Schroer sa Makati City noong Oktubre 10 sa bisa ng mission order na inisyu ni Libanan base na rin sa kahilingan ng US embassy sa Manila.
Ayon sa embahada, may warrant of arrest na ipinalabas ang Arizona court laban kay Schroer.
Nakipagsabwatan umano si Schroer, sa ilang military at public officials at sibilyan sa US para kikilan ang mga hinihinalang drug traffickers na pawang mga undercover agents pala ng Federal Bureau of Investigation.
Nahaharap ang dayuhan sa maximum jail term na limang taon at multang $US250,000 sa sandaling masentensyahan sa pagkakasala. (Gemma Garcia)
- Latest
- Trending