Coast Guard inalerto sa sympathy strike
Inalerto na rin ng Philippine Coast Guard ang kanilang puwersa dahil sa posibleng “sympathy attacks” ng mga teroristang grupo matapos ang madu gong pag-atake ng mga ito sa Mumbai, India.
Ito ay matapos na magpalabas ng kautusan si Coast Guard commandant Vice Admiral Wilfredo Tamayo bagamat wala pa umanong intelligence information na mayroong pagbabantang aatake ang anumang grupo ng terorista sa bansa.
Nilinaw ni Tamayo na walang dapat ipangamba ang mga pasahero sa pagsakay sa mga sasakyang pandagat dahil mahigpit ang kanilang pagbabantay sa seguridad ng mga pasahero.
Kabilang sa seguridad ang paglalagay ng K-9 units upang mapaigting pa ang pagpapatrulya at visibility operations sa mga seaports at mga terminal.
Tiniyak kahapon ng Malacañang na nasa ligtas na kalagayan ang mga Pilipino na naipit sa kaguluhan sa Mumbai, India at Bangkok, Thailand.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesman Anthony Golez na hindi pinababayaan ng gobyerno ang mga Pilipino na naipit sa kaguluhan sa India at Thailand at inaasikaso na ang mabilis nilang pag-uwi sa bansa. (Gemma Amargo Garcia at Rudy Andal)
- Latest
- Trending