Turismo sa Pinas di apektado ng gulo sa Thailand
Hindi umano maapektuhan ang turismo sa bansa sa pagsasara ng Bangkok International Airport at isa pang domestic airport sa Thailand bunga nang nagaganap na kaguluhan doon.
Nabatid sa Manila International Airport Authority (MIAA) na base sa tala ng Department of Tourism na nakabase sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), umaabot sa 2.6 milyong turista ang nakatalang tumungo sa Pilipinas.
Bagaman ilang flights ng Philippine Airlines at Cebu Pacific ang kinansela patungong Bangkok, hindi pa rin umano apektado ang turismo sa bansa.
May 144 Pinoy ang kasalukuyang stranded sa Bangkok matapos isara ang Bangkok International Airport at Don Muang domestic airport doon bunga ng pagkubkob ng mga mi litanteng lumalaban sa gobyerno na humihiling sa Prime Minister ng Thailand na si Somcahi Wongsawat na bumaba sa puwesto.
Tiniyak ni Ambassador Antonio Rodiriguez na ang 7.800 Pinoy na nakatira at nagtatrabaho sa Thailand ay nasa mabuting kalagayan kung saan sinasabing patuloy na nagtatrabaho o business as usual.
Nagdeklara na si Wongsawat ng state of emergency sa dalawang paliparan.
Nangangamba naman ang mga stranded na Pinoy dahil sa wala pang katiyakan ang kanilang pag-uwi dahil sa matinding tensyon at nanatiling sarado ang dalawang pangunahing paliparan sa Bangkok. (Ellen Fernando)
- Latest
- Trending