Katulad ng mga opisyal ng gobyerno na nagkakasakit kapag iimbestigahan, hindi rin nakaharap sa pagdinig kahapon ng Senado si Maritess Aytona, ang ‘runner’ umano ni Bolante sa P728 milyong fertilizer fund scam.
Ayon kay Sen. Richard Gordon, si Aytona ay naka-confine sa Philippine Heart Center dahil nagkaproblema siya sa kanyang blood pressure.
Kinumpirma rin ni Gordon na nakausap niya si Aytona at may kasama itong abogado sa isang hindi binanggit na lugar bago ma-confine sa ospital.
Iinimbitahan ng Senado si Aytona matapos iturong “runner” umano ni Bolante na nagpanukala ng 30-30-40 hatian kung saan 30 porsiyento ang mapupunta sa mga congressman, 30% kay Bolante at 40% ang pambili ng fertilizer.
Ayon kay Gordon, tiniyak niya ang kaligtasan nito sa sandaling humarap sa Senado.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig kahapon, idiniin si Bolante ni Dennis Araullo, dating executive director ng Region IV-A ng Department of Agriculture dahil ito umano ang nag-approved ng P40 milyon halaga ng farm inputs at implements sa kaniyang rehiyon.
Nang tanungin ni Sen. Mar Roxas kung magkano ang nakuhang parte ng Region IV-A sa P728M fertilizer fund, sinabi nito na, “As per record, all in all, P40 million,” sabi ni Araullo.
Si Ibarra Trinidad Poliquit, dating chief of staff ni Bolante ang nagpadala ng sulat kay Araullo kaugnay sa pondo para sa Region IV-A.
Dahil hindi naman umano humiling ng pondo ang tanggapan ni Araullo, iki nonsidera niyang “special project” ang dumating sa kanila.
Samantala, tumanggi naman ang mga opisyal ng bangko na kumpirmahin ang mga sinasabing account ni Bolante at isinangkalan nila ang bank secrecy law. (Malou Escudero)