People power malabo - Malacañang

Naniniwala ang Mala­cañang na malabong mangyari ang paniba­gong people power kaug­nay sa panawagan ng dalawang Obispo na na­kahandang gumamit ng “extra legal means” upang mapuwersa si Pangulong Gloria Maca­pagal-Arroyo na mapaalis sa puwesto.

Sinabi ni Deputy Pre­sidential Spokesman Anthony Golez, naniniwala ang Palasyo na igagalang ng publiko ang umiiral na batas at susundin nito ang due process matapos na ibasura ng House committee on justice ang ikaapat na impeachment complaint laban kay Pa­ngulong Arroyo.

“Wala pong massive protest dahil una sa lahat ayaw na ng ating kaba­bayan ng karahasan at meron tayong mga batas na dapat sundin. Meron tayong due process at yan ay dapat respetuhin bilang Pilipino,” wika pa ni Usec. Golez.

Aniya, ikinagulat ng Palasyo ang pahayag nina Bishops Antonio To­bias at Deogracias Ini­guez na handa silang gumamit ng extra-legal means para mapaalis sa puwesto si PGMA.

“Hindi ho kami maka­pa­­niwala dahil narinig po natin sa kanila na mas gusto pa nilang magulo kesa katahimikan,” dag­dag pa ng deputy presidential spokesman. (Rudy Andal)

Show comments