People power malabo - Malacañang
Naniniwala ang Malacañang na malabong mangyari ang panibagong people power kaugnay sa panawagan ng dalawang Obispo na nakahandang gumamit ng “extra legal means” upang mapuwersa si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na mapaalis sa puwesto.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesman Anthony Golez, naniniwala ang Palasyo na igagalang ng publiko ang umiiral na batas at susundin nito ang due process matapos na ibasura ng House committee on justice ang ikaapat na impeachment complaint laban kay Pangulong Arroyo.
“Wala pong massive protest dahil una sa lahat ayaw na ng ating kababayan ng karahasan at meron tayong mga batas na dapat sundin. Meron tayong due process at yan ay dapat respetuhin bilang Pilipino,” wika pa ni Usec. Golez.
Aniya, ikinagulat ng Palasyo ang pahayag nina Bishops Antonio Tobias at Deogracias Iniguez na handa silang gumamit ng extra-legal means para mapaalis sa puwesto si PGMA.
“Hindi ho kami makapaniwala dahil narinig po natin sa kanila na mas gusto pa nilang magulo kesa katahimikan,” dagdag pa ng deputy presidential spokesman. (Rudy Andal)
- Latest
- Trending