Patuloy ang ginagawang paglilinis ng pamunuan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Laguna at Manila bay gayundin ang pangunahing daanan ng tubig sa Metro Manila at kalapit lalawigan.
Ang hakbang ayon kay DENR Secretary Lito Atienza ay bilang tugon ng ahensiya sa utos ni Pangulong Gloria Arroyo na mapangalagaan ang naturang mga lugar mula sa mga maaaring puminsala dito.
Sinabi ni Atienza na ito ay sa kabila na ilang state officials at politiko ay nagsagawa ng mga hakbang upang mapigilan ang DENR na maipatupad ang programa nito na mawalis ang mga fishpens at iba pang illegal structures sa lawa ng Laguna at Manila bay.
Anya, ilang opisyales ng Laguna Lake Development Authority at ilang politiko ay nagsasagawa ng kanilang bureaucratic maneuvers at backroom pressure upang bigyang daan na maipagpatuloy ang paglaganap ng mga fishpens sa naturang mga lawa.
Sinabi pa ni Atienza na nasisira na ang ilan sa mga katubigan sa bansa dahil sa pagtatayo ng mga fishpens. Ito anya ay makikita sa Taal Lake sa Batangas, Lake La nao sa Lanao del Sur, Sampaloc Lake sa San Pablo City, Laguna at Lake Buhi sa Camarines Sur. (Angie dela Cruz)