Pinoy driver dinukot sa Saudi
Isang overseas Filipino worker (OFW) ang iniulat na dinukot, tinorture at halos tatlong linggo na umanong nawawala sa Saudi Arabia.
Batay sa ulat na nakarating sa tanggapan ng Department of Affairs (DFA), patuloy pa ring pinaghahanap ang tsuper na Pinoy na nakilalang si Edgar Aguilar, 40.
Sinasabing Nobyembre 3, 2008 nang unang maiulat na nawawala ito sa Dammam, Saudi Arabia.
Dalawang araw makalipas na iulat itong dinukot ay natagpuan umano ang kanyang minamanehong sasakyan na abandonado sa Nadim, Dammam Road at basag ang bintanang salamin sa driver’s side nito at baklas din ang car stereo.
Nagawa pa umanong makapagpadala ng mensahe ni Aguilar sa kanyang maybahay na si Evelyn, sa pamamagitan ng pagte-text sa cellphone kung saan sinabi nito na siya umano ay dinukot at tinorture.
Batay pa sa ulat, isang Saudi national umano ang nakakita kay Aguilar sa lalawigan ng Ghassim sa Saudi Arabia. (Mer Layson)
- Latest
- Trending