PAL flight apektado ng gulo sa Bangkok airport
Kinansela kahapon ng Philippine Airlines ang flight nito patungo sa Thailand matapos agawin ng anti-government protesters ang Suvarnabhumi Airport sa Bangkok upang pababain sa puwesto si Thai Prime Minister Somchai Wongsawat.
Nakansela ang mga biyahe sa Bangkok at umaabot sa 3,000 pasahero ang stranded dahil sa nasabing pangyayari.
Ayon sa tagapagsalita ng PAL na si Rolando Estabillo, kinansela kahapon ng umaga ang nakatakdang paglipad ng kanilang eroplano patungong Bangkok dahil sa pagpapasara sa Bangkok International Airport.
Sinabi ni Estabillo sa isang report na isa pang PAL flight ang susunod na makakansela bunsod sa usaping seguridad hangga’t hindi pa humuhupa ang kaguluhan doon at hindi pa nagbubukas ang nasabing airport.
Magugunita na nauwi sa batuhan at barilan sa pagitan ng mga anti-administration protesters at security nang sumugod ang mga ito sa loob ng Bangkok Airport at okupahan ang terminal at dagsain ang control tower.
Marami ang inulat na nasaktan sa insidente nang magka-engkuwentro ang mga airport security personnel at mga anti-government protesters. (Ellen Fernando/Rudy Andal)
- Latest
- Trending