P10-M pekeng gulong nasabat sa PASG raid
Aabot sa P10 milyong halaga ng mga pekeng brand name ng mga gulong ang nasamsam ng mga tauhan ng Presidential Anti-Smuggling Group (PASG) sa Bulacan.
Ayon kay PASG chief Undersecretary Antonio Villar Jr., sinalakay ng Special Operations Group ng PASG ang isang bodega sa 1501 Tugatog St., barangay Pantok, Meycauayan, Bulacan kung saan ay natuklasan ang may P10 milyong halaga ng mga pekeng Dunlop tires at motorcycle spare parts.
Ang nasabing bodega ay pag-aari ng isang Su Yi Jun habang ang umuupa naman ditto ay si Mario Chua.
Natuklasan din ng raiding team ang mga hot items at machineries na ginagamit sa re-labeling ng mga pekeng produkto.
Nakipag-ugnayan ang PASG sa Dunlop Asia upang maging matagumpay ang paghahain ng kaso laban kay Su at iba pang kasabwat nito na sasampahan ng paglabag sa Tariffs and Customs Code at IPR law.
Napag-alaman ng PASG na nasa China si Su at posibleng hindi muna ito umuwi ng Pilipinas matapos salakayin ang kanyang bodega sa Bulacan. (Rudy Andal)
- Latest
- Trending