Malamang mabasura ang inihaing impeachment complaint laban kay Pangulong Arroyo matapos akusahan ng mayorya sa Kamara na pineke ang naturang reklamo sa isinagawang House Justice committee hearing kahapon.
Dahil nainsulto, nag-walk out at nawalan ng gana ang mga kongresista ng minorya sa kalagitnaan ng pagdinig.
Si San Juan Rep. Ronnie Zamora, minority floor leader sa Kamara ang nanguna sa walk-out dahil nagtampo ang mga ito sa ginawang alegasyon ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga na peke umano ang dokumento ng impeachment complaint laban kay Arroyo.
Sinabi ni Barzaga na ni-notaryo ng isang abogadong na nangangalang Michael Dagunod ang reklamo sa harapan ng mga complainant noon Oktubre 10, 2008 gayong ang pirma ng mga abogado na kumakatawan sa mga nagrereklamo ay nakalagay na Oct. 11, 2008.
Sinabi ni Zamora kay Quezon City Rep. Matias Defensor, Chairman ng House Committee on Justice na mag-rule kung dapat kasuhan ng falsification of public documents ang mga kongresista sa minorya pero inayawan ng huli ang una dahil hindi daw saklaw ng kanilang komite.
Gayunman, kinausap ni Defensor si Barzaga para bawiin ang kanyang sinabi hinggil sa isyu ng falsification of public documents na agad naman pinagbigyan ng huli.
Ang pagdinig ay itinuloy din pero sinuspinde dakong alas-2 ng hapon kahapon.
Ayon sa ilang political observer dapat hindi nagtampo o nag-walk ang mga kongresista kung ayaw nila ang sinabi ni Barzaga dapat anila na nakinig muna ang mga ito tulad ng ginawa ng mga administration Congressmen kamakalawa sa ginawang pagdinig din tungkol sa impeachment complaint.
Bukod dito, hinamon ni Joey de Venecia III, anak ni dating House Speaker Jose de Venecia Jr., na mag-inhibit si Defensor bilang chairman ng House Committee on Justice sa ginagawang pagdinig kaugnay sa impeachment complaint.
Ayon kay de Venecia, may alam daw si Mike, anak ni Rep. Defensor, sa isa sa mga alegasyon na tinatalakay ngayon sa Kongreso laban kay Arroyo.
Ayon kay de Venecia ang pag-inhibit ng matandang Defensor ay hinggil sa kompanya na may kinalaman sa kontrata sa Diwalwal na kabilang sa reklamo. (May ulat ni Angie dela Cruz)