Binatikos kahapon ng Balikatan People’s Alliance. Isang pederasyon ng 61 non-government organization, ang bintang ni dating Speaker Jose de Venecia na si First Gentleman Mike Arroyo ang nagmungkahi ng formula para maigawad sa kumpanyang ZTE Corp. ng China ang national broadband network contract.
“Walang kredibilidad at kahina-hinala,” pagtuturing ng alyansa kay de Venecia na anila ay siyang dapat magpaliwanag at hindi si Arroyo o ang Pangulo.
“Unang-una, bakit ngayon lang niya ito ibinubunyag pagkaraan ng dalawang taon mula nang mangyari iyon? Ano ang kanyang hinihintay? Bakit hindi muna siya nagsalita bago nakipagkalas sa administrasyon?” tanong ni Balikatan Chairman Louie Balbago.