De Venecia palaban na!
Si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang nasa likod umano ng pa nunuhol nang P500,000 sa mga kongresista at gobernador noong Oktubre 2007.
Ito ang ibinunyag kahapon ni Pangasinan Congressman at dating Speaker Jose de Venecia sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House of Representatives sa panibagong impeachment complaint laban sa Pangulo.
Naunang nagbunyag sa naturang suhulan sina Manila Rep. Bienvenido Abante at mga gobernador na sina Ed Panlilio ng Pampanga at Joselito Mendoza ng Bulacan.
“Maraming tumanggap ng mga bag na naglalaman ng P500,000 mula kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at wala ako doon dahil alam kong mangyayari iyon. Pero ipinatawag akong muli ng Pangulo sa Malacañang bandang alas-11:00 ng umaga sa music room at sinabihan ako ng Pangulo na ipasa sa justice committee ang “mahinang” impeachment complaint,” wika pa ni de Venecia na Speaker pa ng House sa mga naunang nabigong impeachment complaint laban sa Punong Ehekutibo.
Nauna rito, sinabi ni de Venecia na natanggal siya bilang Speaker ng mababang kapulungan ng Kongreso at bilang pangulo ng makaadministrasyong Lakas-NUCD dahil sa pagtanggi niyang iendorso ang huwad na impeachment complaint.
Bukod pa rito, sinabi ni de Venecia na binanggit sa kanya ng anak niyang si Joey III na inalok ito ng $10 milyon para tumahimik sa kontrobersya sa anomalya sa $329 milyong national broadband network project ng pamahalaan at ng ZTE Corp. ng China. Tinanggihan anya ni Joey ang suhol.
Sa Malacanang, pinabulaanan ni Deputy Presidential Spokesman Anthony Golez ang mga akusasyon ni de Venecia.
Sinabi ni Golez na sumama lamang ang loob ni de Venecia dahil napatalsik ito sa puwesto bilang lider ng Kamara. Tinanggal anya sa poder si de Venecia dahil wala nang tiwala dito ang mayorya ng Kamara.
Pinag-aaralan na rin ni First Gentleman Mike Arroyo ang paghahain ng kaso laban kay de Venecia makaraang isangkot siya nito sa NBN-ZTE deal.
Sinabi ng abogado ni Arroyo na si Atty. Jess Santos na walang katotohanan ang akusasyon ni de Venecia laban sa Unang Ginoo, Pangulong Arroyo at dating Commission on Elections Chairman Benjamin Abalos kaugnay sa NBN-ZTE project.
Sa House, sinabi ni de Venecia, hindi puwedeng magsinungaling ang litrato na ipinakita niya sa kongreso at nagpapakitang magkakasama ang mag-asawang Arroyo at si Abalos.
- Latest
- Trending