Matapos Ma-Ospital Sa Japan, First Gentleman nasa St. Luke's na
Nakabalik na kahapon sa bansa si First Gentleman Mike Arroyo matapos isugod sa ospital sa Osaka, Japan habang nasa kalagitnaan ng flight patungong Peru kasama si Pangulong Arroyo para dumalo sa 16th Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) summit.
Bandang alas-2 ng hapon nang lumapag ang Hawker lear jet sa Villamor Air Base na sinakyan ng Unang Ginoo. Agad itong idineretso sa St. Luke’s Medical Center kung saan siya ngayon naka-confine.
Nabatid na kamakalawa ng gabi habang nasa biyahe ay biglang nakaramdam ng pananakit ng likod at tiyan ang Unang Ginoo kaya napilitan ang piloto ng PAL na mag-emergency landing sa Kansai International Airport sa Japan.
Agad na dinala sa isang ospital sa Japan si FG, pero tumuloy pa rin ang Pangulo kasama ang kanyang delegasyon sa Peru kung saan nag-stopover sila sa Los Angeles, California.
Idineklara naman ng mga Japanese doctors na ligtas na sa anumang panganib si FG matapos ma-diagnose na diarrhea lamang umano at hindi atake sa puso ang naranasan nito.
Matatandaan na halos 2 taon na simula nang unang sumailalim sa angioplasty si First Gentleman. Disyembre 1, 2006 nang dalhin siya sa St. Luke’s at Disyembre 3 nang isagawa ang operasyon sa kanya.
Matapos ang apat na buwan, April 8, 2006, habang nasa Baguio ay isinugod siya sa St. Louis Medical Hospital dahil sa chronic gastritis. Kinabukasan dinala uli siya sa St. Luke’s at dito na napag-alaman na mayroon siyang dissecting aortic aneursym kung saan sumailalim siya sa triple bypass operation.
Nabatid na ang dissecting aortic aneurysm ay ang paglobo ng isang bahagi ng aorta, ang malaking ugat sa puso na nagsusuplay ng dugo sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Karaniwan umanong nangyayari ang ganitong sakit sa mga lalaking edad 40-70 anyos. (Butch Quejada/Malou Escudero/Ellen Fernando)
- Latest
- Trending