Dahil wala ng mapiga kay dating Agriculture undersecretary Jocelyn “Jocjoc” Bolante, hinamon ito ng mga kongresista na magpa-lie detector test para magkaalaman na umano kung nagsasabi ba siya ng totoo.
Hindi naniniwala si Rep. Abraham Mitra na hindi kilala ni Bolante sina Jose Barredo at Marie Aytona na nag-alok umano ng 30% komisyon sa mga kongresistang bibili ng fertilizer.
Bagamat alam ni Mitra na hindi tinatanggap sa korte ang lie detector test ay makakasama naman anya kay Bolante kung tatanggi ito.
Wala pang tugon si Bolante at kanyang abogado sa hamon ng mga mambabatas.
Naniniwala naman ang ibang kongresista na may mapipiga pa sila sa dating kalihim kaya muli siyang pababalikin sa Disyembre para sa isa pang pagdinig. (Butch Quejada)