Ang multi-milyong pisong fertilizer scam ay isang pagsasabwatan ng mga kasapi ng oposisyon para ibagsak ang pamahalaang Arroyo. Ito ang binigyang diin ni dating Agriculture secretary Jocelyn “Jocjoc” Bolante sa pag sisiyasat na isinagawa ng House of Representatives.
Nilinaw ni Bolante na walang tinatawag na ‘fertilizer fund scam’ na nangyari bago ang 2004 presidential elections. Sa kanyang ikalawang pagharap sa mga kasapi ng Kongreso noong Martes, pinansin rin ni Bolante na hindi binigyang pansin ng mga senador sa pagdinig sa isyu noong isang linggo ang kanyang paliwanag at patuloy na ipinilit ang kanilang sariling paniniwala sa kontrobersiya.
Sa pagharap ni Bolante sa Senado, hindi tinanggap ng mga senador ang kanyang mga paliwanag at inakusahan itong “pinagtatakpan” umano ang papel ni Pang. Arroyo sa eskandalo. Nilinaw ni Bolante na ang kanyang ipinatupad ay ang ‘Farm Input and Farm Implement Program’ ng DA kung saan maliit na bahagi nito ay ang pagbili ng abono bilang ‘farm input.’
Dahil dito, mali umano ang nabuong impresyon sa publiko na naubos sa pagbili ng abono ang P728 milyong pondo para sa nasabing programa. Ang programa, aniya pa, ay matagal nang proyekto ng DA at nakasama sa 2003 budget kung kaya hindi na kailangan pa ang partisipasyon ng Malacanang para ito maisakatuparan.
Sa kabila nito ay hindi pinansin ng mga senador si Bolante at tinawag na “unbelievable” ang kanyang testimonya.Sa kanyang opening statement noong Martes, pinuri naman ni Bolante ang Kamara bilang “impartial forum” kung saan maririnig ang kanyang panig ng hindi agad siya hinuhusgahan.
Bukod sa report ng COA, sinabi ni Bolante na ang malaking bahagi ng pondo ay inilabas pagkatapos ng 2004 elections kaya maling sabihin na bahagi ito ng pondo para sa panunuhol ng Malacanang sa mga local officials upang suportahan ang kandidatura ni Mrs. Arroyo.
Bagaman ilang kongresista at mga local officials ang sinasabing nasa “listahan” na ginawa ni Bolante, ipinunto pa nito na walang mambabatas ang aktwal na tumanggap ng pondo na P3 milyon hanggang P5 milyon bawat proyekto dahil dumiretso ang pondo sa mga target beneficiaries nito. (Butch Quejada)