Villar nahawa kay Erap sa numero 13?
Mistulang naulit ang kasaysaysan ni dating Pangulong Joseph Estrada (Jose Marcelo Ejercito sa totoong buhay) sa numero ‘13’ kay dating Senate President Manny Villar.
Kilala si Estrada na ‘umiiwas’ sa numero 13 bagaman at siya ang ika-13 presidente ng Pilipinas. Si Villar naman ay ipinanganak noong Dis. 13, 1949.
Hindi natapos ni Estrada ang kanyang termino bilang pangulo matapos ma-impeached noong Nov. 13, 2000 ng House of Representatives.
At kung si Erap ang ika-13 presidente, naupo namang Senate President ng Senado si Villar noong 13th Congress, taong 2006.
Sa panayam kay Sen. Jinggoy Estrada, inamin nito na siya ang ika-13 senador na lumagda sa resolution no. 13 na kumikilala na kay Sen. Juan Ponce Enrile bilang bagong Senate President at 13 senador ang lumagda sa nasabing resolusyon.
Noong nag-resign si Sen. Aquilino Pimentel Jr. bilang Senate president noong 2000, na sinabayan ng walkout ng mga congressmen na tumatayong prosecutor sa impeachment court, nabasag ang salamin ng pintuan ng Senado.
Nito lang Nob. 13, 2008, kung saan humarap si dating Agriculture under secretary Jocelyn “Joc-joc” Bolante sa imbestigasyon ng mga senador ay nabasag din ang salamin ng pintuan ng Senado, ilang araw bago ma-kudeta si Villar. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending