Walang pinagsisihan at walang sinisisi si Senador Manny Villar sa pagkakaalis sa kanya bilang pangulo ng Senado, ngunit inamin niyang pulitika ang nasa likod nito.
“Wala akong sama ng loob sa nangyari. Kapag wala ka nang suporta ng mayorya, dapat ka nang magbitiw. Napakapangit naman kung ‘di ka magbibitiw kung ayaw na ng mga kasama mo sa iyo,” sabi ni Villar.
Pulitika ang itinuturo ni Villar na siyang nagtulak para maalis siya sa pwesto. Aniya, ito ay hindi kagulat-gulat dahil ang Senado naman ay isang institusyong pulitikal at marami sa mga miyembro ng Senado ngayon ay tinutukoy na tatakbo sa pagka-presidente sa 2010.
Idinagdag pa niyang maaaring naging dahilan din ang patuloy na pagtaas ng kanyang ratings sa mga presidential survey upang maging target siya ng intriga.
Sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations at Pulse Asia, si Villar ang nakakuha ng pinakamataas na pag-angat sa rating na naging dahilan upang makopo niya ang pangalawang pwesto.
Ipinahiwatig din ni Villar na ang usapin ukol sa dating Agriculture Usec. Jocely “Joc Joc” Bolante at sa tinaguriang “Euro Generals” ay maaaring naging dahilan din ng kanyang pagkakaalis dahil marami ang hindi natuwa nang pirmahan niya ang arrest order laban kina Bolante at dating Philippine National Police comptroller Eliseo Dela Paz.
Nang matanong kung inaasahan niya ang pangyayaring ito, sinabi ni Villar na mula pa nang maupo siya bilang Senate president mahigit dalawang taon na ang nakalilipas, hindi tumitigil ang mga kaaway niya sa pulitika upang mapababa siya.
Gayunpaman, sinabi ni Villar na masaya siya at nabigyan ng pagkakataon na paglingkuran ang publiko bilang lider ng Senado at ipinagmalaki na nakapagtala ng record-breaking achievement ang Senado sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Samantala, sinabi ni Sen. Aquilino Pimentel Jr. na mananatili siyang isang opposionist sa loob ng minority bloc kahit na nagbitiw na siya bilang Minority Leader. Isa si Pimentel sa tumutol na palitan si Villar bilang Senate president. (Malou Escudero)