Malaki ang paniwala ng Ombudsman na maipapalabas na sa Disyembre ng taong ito ang resolusyon sa kaso ni dating Philippine National Police Comptroler Eliseo dela Paz.
Sinabi kahapon ni Deputy Ombudsman Mark Jalandoni na tatapusin nila agad sa lalong madaling panahon ang imbestigasyon ni dela Paz at iba pa nitong kapwa delegado sa Interpol conference sa Moscow na nagdala ng P6.9 milyon palabas ng bansa.
Aminado naman si Jalandoni na kasong graft at malversation of public funds ang maaaring kaharapin ni dela Paz lalupat inamin nito ang pagkakasala sa pagpapalabas sa ilegal na pondo kasabay ng ginawang pagdinig ng Senado hinggil sa kontrobersiyal na issue.
Idiniin niya na, kung mapapatunayan sa korte na may kasalanan si dela Paz hinggil dito, maaari itong mabilanggo ng 10 taon.
Hiniling kahapon ng Malacañang sa Senado na patunayan nito na karapat-dapat suspindihin ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sina PNP chief Jesus Verzosa at DILG Secretary Ronaldo Puno kaugnay sa eskandalong kinasangkutan ng “euro generals”.
Sinabi ni Press Secretary Jesus Dureza na walang kapangyarihan ang Senado na magsuspinde sa isang government o police officials.
Sinabi ni Dureza na anumang pahayag ni dela Paz na ayaw paniwalaan ng mga sena dor ay dapat na lamang nilang dalhin sa Ombudsman para sa kaukulang imbestigasyon.
Tiniyak kahapon ng kampo ni dela Paz na hindi ito tatakas palabas ng bansa. Sinabi ni Atty. Noel Malaya, abogado ni dela Paz, na hindi tatakas ang kaniyang kliyente at handa itong harapin ang kasong kinasasangkutan. (Angie dela Cruz, Rudy Andal at Joy Cantos)