Mas magiging madali at mabilis na para sa Bureau of Immigration (BI) na ma-detect ang mga dayuhang pumapasok sa bansa na hinhinalang sangkot sa mga Transnational Crimes.
Ito ay dahil sa pagkakaroon na ng ugnayan ng computer database ng BI sa International Police (Interpol).
Ayon kay BI Commissioner Marcelino Libanan, simula ngayong buwan, sa loob lamang ng ilang minuto made-detect na ng mga immigration officers sa iba’t-ibang ports of entry sa bansa kung ang isang dayuhang pumasok sa Pilipinas ay sangkot sa transnational crimes.
Sa pamamagitan umano ng bagong database na ilulunsad sa susunod na Linggo sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), mas magiging madali para sa mga BI personnel na kilalanin at mapigilan ang pagpasok sa bansa ng mga dayuhang pugante.
Dahil dito, hindi na umano basta-basta magagawa ng mga dayuhang terorista, drug traffickers, human smugglers, illegal recruiters, at pedophiles na pumasok sa Pilipinas,
Ang nasabing sistema ay ilalagay din aniya sa iba pang airports at subports sa buong bansa, kabilang na ang mga nasa Cebu, Laoag, Subic, Clark, Davao, at Zamboanga.
Ayon naman kay BI anti-fraud division chief Simeon Vallada, sa bagong database system i-iiintegrate ang board of control information system (BCIS) ng BI sa mobile Interpol network database (MIND).
Idinagdag pa ni Vallada na natapos na ng mga immigration officers ang training para sa pag-operate ng bagong database system. (Gemma Amargo-Garcia)