Tinupad kahapon ni dating National Police comptroller Eliseo Dela Paz ang kanyang pangako kay Sen. Panfilo Lacson na magpapakita sa Senado bago ang nakatakdang hearing ng Senate Committee on Foreign Relations ni Sen. Miriam Defensor-Santiago ngayong alas-10 ng umaga.
Kasama si Lacson, dumating kahapon ng hapon si dela Paz sa Senado matapos magkita ang dalawa sa isang building sa Makati.
Agad na idiniretso si dela Paz sa tanggapan ni Senate Sergeant-at-Arms Jose Balajadia.
Sinigurado ni dela Paz na sasagot siya sa tanong ng mga senador kaugnay sa pagdadala ng P6.9 milyon sa Moscow.
Naniniwala si Lacson na siya ang napili ni dela Paz na kontakin dahil dati siyang hepe ng Philippine National Police.
Napagdesisyunan din kagabi na manatili na lamang si dela Paz sa Senado dahil na rin sa bisa ng warrant of arrest laban sa kanya. Inihayag din ni Lacson na sa kanyang opinion, mas mabuting huwag na munang paharapin sa hearing ngayon ang asawa ni dela Paz na inimbitahan din ng komite.
Bukod kay dela Paz, haharap din ngayon sa Senado ang ibang heneral na nagtungo sa Russia. (Malou Escudero)