Inutos kahapon ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary at National Police Commision (Napolcom) chairman Ronaldo Puno ang pagsasagawa ng lifestyle check sa mga delegado ng PNP at kanilang mga misis na dumalo sa Interpol conference sa Russia.
Inatasan na ni Puno si Napolcom Vice Chairman Eduardo Escueta upang masiyasat ang mga bank accounts ng mga heneral gayundin ang bank deposits ng mga misis nito bilang bahagi ng nasabing lifestyle check.
Binigyang diin naman ni Escueta na magagawa lamang ng Napolcom na makita ang bank accounts ng mga kinauukulan nila kung may kaukulang court order.
Aniya, bago sila makakuha ng kaukulang kautusan mula sa korte, kailangan muna aniyang masampahan ng kaso ang dapat na masampahan ng asunto.
Kabilang sa mga sumama sa Moscow trip ang misis ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa na si Cynthia. (Joy Cantos/Rose Tamayo-Tesoro)