Nakipagkita noong Bi yernes si Philippine National Police Chief Director General Jesus Verzosa kay Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. para personal niyang maipaliwanag ang bagong patakaran ng pulisya sa relasyon sa media tulad ng pagbabawal sa mga reporter na makita ang police blotter.
Nilinaw ni Verzosa kay Revilla na walang intensyon ang PNP na sagkaan ang kalayaan sa pamamahayag.
Sinabi ni Verzosa na nais lang nilang pag-ibayuhin ang pagtutulungan ng PNP at ng media na mapangalagaan ang mga biktima ng krimen lalo na sa paglantad nito sa publiko.
Idinagdag niya na target ng direktiba na matugunan ang mga kaso ng kidnapping at iba pang malalaking krimen na, rito, ang wala sa panahong pag-uulat sa media ay nagdudulot ng panganib sa biktima at pamilya nito at maging sa testigo.
Nais din ni Verzosa na makipagpulong sa mga lider ng media industry para linawin ang hangarin ng PNP sa pagdedesentralisa sa trabaho ng public information offices. (Butch Quejada)