Pinangangambahan na mawalan ng trabaho ang may 120,000 manggagawa sa industriya ng semento sa sandaling maging opisyal ang pagpapalabas ng Executive Order ni Pangulong Arroyo na nagbabalak na kumontrol sa industriya ng semento.
Sa ginanap na pulong balitaan sa Tinapayan, sinabi ni dating Trade and Industry Secretary at ngayon ay presidente ng Cement Manufacture Association of the Philippines Ernesto Ordonez na sa naturang EO ni Pangulong Arroyo, aalisin ang 5% taripa na ipinapataw sa mga ini-export na semento sa bansa at papayagan nang makapasok ng walang ipinapataw na taripa ang mga imported na semento.
Ayon kay Ordonez, magiging”dumping ground” ng mga imported na semento ang Pilipinas at malaki ang magiging epekto nito sa kompetisyon ng mga lokal na semento na ibinebenta sa bansa ng mga kom panya tulad ng Cemex, Holcim, Republic Cement, Northern at Pacific na pawang cement company na gumagawa ng lokal na semento sa bansa.
Umapila si Ordonez kay Pangulong Arroyo na ikonsidera ang kanilang panawagan na huwag alisin ang 5% taripa na ipinapataw sa mga imported na semento. Aniya, dapat bigyan ng proteksiyon ng gobyerno ang lokal na industriya ng semento sa bansa.
Sinabi ni Ordonez na kapag inalis ang taripa sa semento, tiyak na maraming bansa ang mag-iexport ng kanilang produktong semento sa Pilipinas at tiyak umanong tatamaan ang lokal na industriya ng semento pagpasok ng mga imported na semento.
Posible umanong “misguided” ang Pangulo dahil kulang sa komunikasyon sa gobyermo ang mga nasa likod ng industriya ng semento.
Sinalungat naman ni LTO Secretary Alberto Suansing ang pahayag ni Ordonez at sinabi nito na maaring binabalanse lamang gobyerno ang sitwasyon sa industriya ng semento kaya inihayag ang pagpapalabas ng nabanggit na EO ni Pangulong Arroyo.
Sa kabila nito, sinabi ni Suansing na kapag nagmura ang semento, marami ang makakapagpagawa ng gusali, imprastruktura at mga bahay.
Nakatakda namang harangin ngayong araw ng mga cement manufacturer sa Kongreso ang panukalang pagtatanggal ng taripa sa mga inaangkat na semento. (Rose Tamayo-Tesoro)