Inumpisahan na ang pagre-refund sa ticket ng mga galit at nagrereklamong fans ng sikat na grupong “Abba” at nakabili ng ticket sa nakatakdang concert nito sa Nobyembre 21 sa Philippine International Convention Center at Nobyembre 22 sa World Trade Center matapos malaman na pawang mga impostor o impersonator lamang ang mga darating sa Manila at hindi ang mga orihinal na banda.
Unang inanunsyo na original na Abba ang concert nito sa bansa sa halagang P5,000 ticket subalit napag-alaman ng mga tagahanga na impostor ang mga darating na performers.
Sa ngayon ay ayaw nang magpakilala ang producer ng nasabing konsyerto dahil sa sobrang kahihiyang inabot ng mga ito matapos na maloko ng isang agent na nagpakilalang si Zeny Yap Frailey na unang nakipag-ugnayan sa kanila para sa nasabing concert.
Sinasabi ng mga hindi nagpapakilalang poducers ng Abba concert na may original Abba member na darating sa Manila na si Ufe Anderson. Gayunman, lumalabas na si Anderson ay isang instrumentalist lamang at walang kaugnayan o relasyon sa original ABBA member na si Benny Anderson.
Bukod kay Benny Anderson ay kasama nito ang tatlong original Abba band members na sina Agnetha Faltskog, Bjorn Alvaeus at Annifrid Lyngstad.
May 800 nagpapakilalang second generation Abba ang ngayon ay umiikot sa buong mundo upang gumawa ng tribute at raket gamit ang Abba.
Sa lahat ng nakabili ng ticket at nagnanais na magrefund ay maaaring tumawag sa Ticketnet 9138684, 9138877.
Gayunman, sinabi ng di nagpapakilalang producer na itutuloy pa rin ang concert. (Ellen Fernando)