Sa halip na maging san digan ng katarungan, ginagamit umano ni Ombudsman Merceditas Gutierrez ang kanyang posisyon bilang instrumento ng paghihiganti laban sa mga kritiko at kalaban sa pulitika ng kanyang pamilya.
Ginawa ni Bataan Governor Enrique “Tet” Garcia ang akusasyon matapos siyang patawan ni Gutierrez ng anim na buwang suspensiyon kasama ang anim pang opisyal ng lalawigan, dahil sa pagpasok sa umano’y maanomalyang kasunduan sa Presidential Commission on Good Government kaugnay ng isang ari-arian sa Mariveles, Bataan.
Sa isang television interview, iginiit ni Garcia na ginamit ni Gutierrez ang kanyang posisyon upang makaganti sa kanya dahil siya ang sinisisi ng Ombudsman sa pagkatalo ng nakababata nitong kapatid na si Roseller Navarro sa mayoralty election sa Samal noong 2007. Inindorso ni Garcia ang kalaban ni Navarro sa eleksyon.
Sinabi pa ni Garcia na hindi dapat ipatupad ng Ombudsman ang suspension order dahil naghain na sila ng petition for certiorari sa Supreme Court ngunit, dahil hindi na mapalampas ni Gutierrez ang pagkakataon, agad nitong inilabas ang kautusan para sa kanyang suspensyon.
Sa loob lang ng isa’t kalahating taon ay naresolba na ni Gutierrez ang reklamo, bagay na ikinagulat ni Garcia dahil kilala ang Ombudsman na natutulog sa mga kontrobersiyal na kaso tulad ng P728-million fertilizer fund scam. (Butch Quejada)