Depektibong Xmas lights may tatak DTI
Nakakalat pa rin sa merkado ang mga substandard na Christmas lights na maaring pagmulan ng sunog kaya dapat maging mapili ang publiko sa pagbili ng mga tulad nitong produkto.
Ito ang naging babala kahapon ni Manila Police District-station 11, P/Supt Nelson Yabut matapos umanong mapag-alamang rehistrado na rin sa Department of Trade and Industry (DTI) ang mga katulad ng nakumpiskang substandard na Christmas lights sa mga pagsalakay.
“Wala namang pinagkaiba iyong mga ibinebenta ngayon dito (Binondo) sa mga kinumpiskang Christmas lights noon sa mga bangketa at tindahan, maliban sa ngayon ay hindi mo na sila puwedeng sitahin dahil may nakatatak na ng DTI sa mga plastic. Nahihiya na nga akong manita,” ani Yabut.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni MPD Director General Roberto Rosales na mas maayos at tahimik ngayon ang pamimili sa Divisoria area dahil sa police visibility at pagtatag ng discipline zone sa kahabaan ng CM Recto, Juan Luna, Carmen Planas.
Naging maluwag umano ang daloy ng trapiko at wala nang nakahambalang na mga sidewalk vendors. May kasunduan din umano sa bawat area na maaring pagtindahan ng mga vendors na sila ang mismong tetestigo laban sa masasaksihang krimen at magtataboy sa mga snatchers at holdaper na pinaniniwalaang kakilala sa lugar.
Ani Rosales, sa oras na may maganap na krimen, damay sa pagtaboy ang mga nagtitinda kaya nakikipagtulungan sila sa kaayusan sa lugar. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending