Nagbabala ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa publiko hinggil sa nakakaalarmang pagtaas ng crime rate ngayong Nobyembre na inaasahang tataas pa habang papalapit ang Pasko.
Base sa rekord, sinabi ni NCRPO Chief Director Jefferson Soriano na dumarami ang mga holdaper sa mga pampasaherong sasakyan gaya ng mga FX, jeepney at mga bus na bumibiyahe sa Metro Manila.
“Sa ating mga kababayan, mag-ingat po tayo, dumarami ang mga holdaper at iba pang masasamang elemento ngayon Nobyembre na kasi,“ ani Soriano.
Samantalang nagsasamantala naman ang mga mandurukot, bag slasher sa kumpulan ng mga tao sa mga shopping malls at mga tiyange na dinaragsa na ng mga mamimili.
Pinuna rin ni Soriano ang modus operandi ng mga snatcher at maging ng mga holdaper na buong bag na ng kanilang mga biktima ang tinatangay.
Ayon kay Soriano bagaman bumaba ang crime rate sa Metro Manila nitong nakalipas na Oktubre ay kapansin-pansin ang muli nitong pagtaas pagpasok naman ng Nobyembre at posibleng mas mataas pa ito sa Disyembre base na rin sa pagtataya ng mga awtoridad.
Dahil dito, sinabi ng opisyal na palalakasin pa ng NCRPO ang ‘police visibility‘ ngayong Kapaskuhan upang mabawasan kundi man tuluyang masupil ang pagtaas ng kriminalidad sa pamamagitan ng pagdedeploy ng karagdagang 1,000 pang pulis sa mga shopping malls, tiangge, bus terminals atbp.
Idinagdag pa ng opisyal na kapag maraming nakadeploy na mga pulis ay nawawalan ng tsansa ang mga kriminal na makapambiktima ng mamamayan. (Joy Cantos)