SC appointment pinababantayan
Nagpahayag ng pangamba ang isang koalisyon ng mga civil society group sa posibilidad na makuwestiyon ang integridad at independence ng Korte Suprema dahil aabot sa 14 mahistrado nito ang maia-appoint ni Pangulong Arroyo bago pa magtapos ang termino nito sa 2010.
Ito umano ang unang pagkakataon sa kasaysayan ng Pilipinas na isang Pangulo lamang ang mag-a-appoint ng 14 sa kabuuang 15 mahistrado ng Mataas na Hukuman, ayon sa Supreme Court Appointment Watch (SCAW).
Sa 2009, anim na mahistrado ang nakatakda para sa compulsory retirement age na 70, na kinabibilangan nina Associate Justices Ruben Reyes, Adolfo Azcuna, Dante Tinga, Consuelo Ynares-Santiago, Leonardo Quisumbing at Minita Chico-Nazario habang si Associate Justice Alicia Austria-Martinez ay pinayagan na maging maaga ang pagreretiro dahil sa kondisyon ng kalusugan.
Tanging si SC Chief Justice Reynato Puno, na noong associate justice ay hindi niya appointee, kundi ngayon lamang bilang Punong Mahistrado ang matitira dahil sina Quisumbing at Santiago na itinalaga ni dating Pang. Fidel Ramos ay paparetiro na.
Sa pahayag ni Constitutionalist Fr. Joaquin Bernas, dapat na mapagbantay ang publiko sa gagawing pagpili sa bubuo sa mga mahistrado ng SC upang matiyak na may transparency at tamang tao ang mailuklok.
“You cannot avoid the influence of the President in the SC that is why it is of utmost important that the justices that will be appointed is politically and intellectually independent,” ani Fr. Bernas. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending