Suspendido ng 6-buwan si Bataan Governor Enrique “Tet” Garcia Jr. bunga ng kinakaharap na kasong plunder, graft at malversation kaugnay sa umano’y iligal ng pagbebenta nito ng isang pribadong lupain noong 2005.
Sa 16-pahinang kautusan ni Overall Deputy Ombudsman Orlando Casimiro, inatasan nito ang DILG na ipatupad ang anim na buwang preventive suspension laban kina Gov. Garcia, Provincial Legal Officer Aurelio Angeles Jr., Provincial Treasurer Emerlinda Talento at Balanga City Administrator Rodolfo de Mesa.
Nagbabala ang Ombudsman na ang suspension ni Garcia at ng iba pang mga akusado ay “immediately executory” at ang susuway dito ay may kakaharaping kaukulang kaparusahan dahil ito ay nakabase sa batas at kautusan ng Korte Suprema.
Sinabi ng Ombudsman na ipinatupad ang preventive suspension order upang hindi na magamit nina Garcia ang kanilang posisyon para mapakialaman ang mga ebidensiya sa kaso habang nakabinbin ang imbestigasyon. (Ludy Bermudo)