Iminungkahi ni Land Transportation Office (LTO) Chief Alberto Suansing na maipatupad ang 6 hanggang 8 oras na pagmamaneho ng mga driver at isang franchise lamang sa dalawang kumpanya upang maiwasan ang mga aksidente sa lansangan.
Ang hakbang ay bunsod ng pahayag ng Department of Health (DOH) na ika-4 na sa sanhi ng kamatayan ng mga Pinoy ang mga banggaan sa kalsada bunga na rin ng sunud-sunod na insidente noong nakaraang linggo.
Sa isinagawang road safety seminar sa UP, sinabi ni Dr. Cecile Magturo ng DOH na ang mahabang oras ng pagmamaneho at pagod ang nagiging dahilan upang mawalan ng kontrol ang mga driver sa pagmamaneho.
Dahil dito, sinabi ni Suansing na ang pagbawas sa oras ng pagmamaneho ng mga pampasaherong sasakyan ay isa sa kanyang nakikitang paraan para maibsan ang mga car accident dahil pawang ang driver’s error ang ugat ng mga banggaan ng mga sasakyan na nangyayari nitong mga nakalipas na araw
“Kung babawasan ang oras ng kanilang pagma maneho maiiwasan ang mga aksidente kase kung sobrang haba ng oras ng kanilang pagmamaneho at naghahabol pa sila sa kita nila, aksidente talaga ang pupuntahan niyan dahil pagod na ang utak at katawan niyan,” pahayag ni Suansing.
Sinabi din ni Suansing na sa ibang bansa, kailangang gamitin lamang ng dalawang kumpanya ng bus ang isang franchise upang mabawasan naman ang gumagamit ng bawat ruta ng sasakyan na nag-uunahan sa kalsada. (Angie dela Cruz/Doris Franche)