Euro generals abswelto na sa Russia
Inabswelto na ng pamahalaan ng Russia ang kontrobersyal na si dating PNP Comptrollership ret. Eliseo de la Paz at iba pang miyembro ng 8-man delegation kaugnay ng Euro scandal.
Kinumpirma kahapon ni PNP Senior legal officer Supt. Benjamin delos Santos na nagpadala na ng email ang Russian lawyer na si Atty. Alex Binetskiy kay Atty. Noel Malaya, abogado ni dela Paz, na tapos na ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa Russia at walang kaukulang kasong kriminal na isinampa laban kay dela Paz at iba pang mga delegado.
“The investigation is over and no criminal charges presented to anyone of the group,” laman ng email.
Nakalagay din sa email na ibabalik na ng Russia ang nakumpiskang 105,000 Euros o katumbas na P6.93 M sa lalong madaling panahon.
Dahil dito, wala na ring dahilan upang bumalik pa sa Russia sina Gng. Cynthia Verzosa at retired Gen. Jaime Caringal.
Lumiham ang Russian government sa Department of Foreign Affairs upang hilingin na pabalikin sa kanilang bansa sina Verzosa at Caringal upang sagutin ang ilang mga katanungan kaugnay ng kontrobersyal na Euro.
Kaugnay nito, nagpahayag naman si dela Paz ng kanyang pasasalamat hinggil sa pagkaka-ayos ng pinasukan nitong gusot kung saan nalagay sa kahihiyan ang buong PNP. (Joy Cantos/Butch Quejada/Ellen Fernando)
- Latest
- Trending