Bunsod ng pagkakagulo sa pagbibigay ng bawas pasahe sa mga pampasaherong sasak yan, nilinaw ni Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) na ngayong Biyernes ay dapat na magbigay na ng 50 sentimos rollback ang mga pampasaherong jeep.
Noong Miyerkoles, epektibo na ang naturang fare rollback matapos iutos ni LTFRB Chairman Thompson Lantion, pero tanging ang jeepney group lamang na Pasang Masda ang agad sumunod habang nakiusap naman ang iba na ngayong Biyernes na lamang ipatutupad tulad ng Piston, Fejodap, Altodap at Mjoda.
Sa mga pampasaherong bus, epektibo sa Lunes Nob. 10 ang fare rollback. Sa ordinary bus sa Metro Manila at mga lalawigan ay P9.50 mula sa dating P10 minimum fare.
Sa aircon bus sa MM at mga lalawigan ay P11 sa unang 4 na kilometro mula sa dating P12.
Nilinaw naman ni Lantion na hindi pa maaalis ang P10 add on sa taxi dahil wala pang nagpepetisyon para maibaba ito.
Nananatili namang P2.00 per kilometer ang bayad sa AUVs tulad ng GT Express, FX taxi, vehicle for hire at kahalintulad na sasakyan. (Angie dela Cruz)