11-anyos na sasabit sa iligal na droga tutuluyan
Layon ngayon ng Dangerous Drugs Board (DDB) na rebisahin ang Juvenile Act Law na nilikha ng 13th Congress upang mapanagot sa batas maging mga bata na nagkakaedad 11-anyos pataas kung mapapatunayang nagkasala ito sa iligal na droga.
Ito ang sinabi ni DDB Chairman Vicente “Tito” Sotto sa harap ng 200 kinatawan ng 12 bansa sa Asya sa ginaganap na 3rd Asian Recovery Symposium sa Tagaytay City.
Sinabi ni Sotto na nais nilang sundin ang “11 years old threshold” na itinakda mismo ng UNICEF (United Nations Children’s Fund).
Nakatakdang isusog ni Sotto sa Kongreso at Senado ang pagpapasa ng panukalang batas upang mabago ang Juvenile Act Law na nagsasabi na hindi maaaring maparusahan ng batas ang mga kabataang may edad 18-anyos pababa sa anumang uri ng krimen na ginawa nito.
Naalarma ang DDB at ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pagdami ng mga menor-de-edad na gumagamit ng iligal na droga at mas masama pa ang paggamit ng mga sindikato sa mga ito para magtulak o magdeliber ng iligal na droga dahil sa alam ng mga ito na hindi naman masasampahan ng kaso.
Ipinaliwanag ni Sotto na marami sa mga drug users ang labas-pasok sa mga rehabilitation centers na hindi naman natatanggal ang adiksyon sa droga dahil sa hindi akma ang “treatment” na ibinibigay dito. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending