Pamilya ni Bolante nagpetisyon sa CA
Pormal na hiniling kahapon sa Court of Appeals ng anak ni dating Agriculture Undersecretary Jocelyn “Joc-Joc” Bolante na si Owen na palayain mula sa kustodya ng Senado ang kanyang ama.
Sa 15 pahinang petition for writ of habeas corpus, sinabi ng batang Bolante na hindi maaring ipatupad ang arrest order na ipinalabas ng Senado nong 13th Congress dahil hindi na umiiral sa ngayong ang nasabing kongreso.
Hiniling din ni Owen na magpalabas ang CA ng writ of habeas corpus na mag-uutos sa Senate Sergeant of arms na iharap sa korte si Bolante.
Ipinahiwatig ng abogado ni Bolante na si Malber Yao Ong na iligal ang pagkulong kay Bolante.
Si Bolante na umano’y arkitekto ng P728 million fertillizer fund scam ay kasalukuyang nakaratay sa St. Lukes Medical Center sa Quezon City matapos itong dumating sa bansa mula sa dalawang taong pagkakakulong sa Amerika.
Samantala, tiniyak kahapon ni Sen. Alan Peter Cayetano na sisimulan na ng Senate Blue Ribbon Committee ang imbestigasyon kaugnay sa P728 milyon fertilizer fund scam na tinanggihang imbestigahan ng komite ni Sen. Edgardo Angara.
Ayon kay Cayetano, wala siyang nakikitang magiging hadlang sa imbestigasyon ng blue ribbon committee lalo pa’t nasa bansa na si Bolante.
Nakatakdang magbalik ang sesyon ng Senado sa susunod na Lunes (Nobyembre 10) kung saan ina asahang magpapatuloy ang trabaho ng mga senador.
Iginiit din ni Sena dor Aquilino Pimentel na maaaring ipatawag ng Senado ang attending physician ni Bolante sa St. Luke’s Medical Center upang malinawan kung ano talaga ang kondisyon nito.
Kung hindi aniya talaga makakadalo si Bolante sa imbestigasyon dahil sa kanyang kalusugan, dapat humarap sa komite si Dr. Romeo Saavedra ng SLMC.
- Latest
- Trending