119 bangkay nakuha sa 'Princess'
Umaabot na sa may 119 bangkay ang nailabas ng mga diver sa isinagawang retrieval operation sa lumubog na M/V Princess of the Star ng Sulpicio Lines sa karagatan ng Romblon.
Sinabi ni Lt.Senior Grade Armand Balilo, base sa pinakahuling talaan na ipinalabas ng mga divers, dakong alas-3 ng hapon nang makuha ang mga bangkay sa deck B ng barko.
Agad na isinakay ang mga nailabas na bangkay sa M/V Tacloban Princess, para dalhin sa Cebu at para kilalanin ng mga eksperto ng National Bureau of Investigation (NBI).
Ayon kay Balilo, hinihintay pa nila ang rekomendasyon na manggagaling sa Salvor Titan at Harbor Star na nagsimula ng kanilang retrieval operation noong Oktubre 26, para alamin kung kelan maaring tapusin ang operasyon.
Gayunman, sinabi ni Balilo na hindi sila nagtakda ng panahon para tapusin ang operasyon dahil pipilitin nilang magalugad ang loob ng buong barko para malaman kung ilan pa ang nawawalang bangkay.
Nauna dito, nabatid na may 500 pang pasahero ng lumubog na barko ang pinaniniwalaang na-trap sa loob na siyang target makuha ng isinasaga wang retrieval operation. (Doris Franche/Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending