Nasa 310 investors sa bansa ang kinansela ang visa at isinailalaim sa hold departure order (HDO) matapos abandonahin umano ang kanilang obligasyon sa Bureau of Immigration (BI) kaugnay sa ipinatutupad na Special Investors Resident VISA (SIRV).
Kinumpirma ni Immigration Commissioner Marcelino Libanan na ang mga negosyante at ang kanilang 404 na kamag-anak ay kabilang sa kinansela ang visa.
Ayon kay Libanan, ang aksiyon ay bunga ng kahilingan ni Executive Director Lucita Reyes ng Board of Investments (BOI), na nasa ilalim ng Department of Trade and Industry (DTI) sa Immigration sa layon na hindi nito matakasan ang kaukulang multa na itinatakda ng batas sa pag-abandona sa kanilang mga negosyo.
Hindi umano nagsumite ang mga dayuhan ng kanilang annual reportorial requirements sa kabila ng mga paulit-ulit na notice.
Aniya, nabigo ang mga dayuhang negosyante, na karamihan ay galing sa bansang Chi na, na magsumite ng bagong ulat sa BOI kaugnay sa kanilang negosyo sa bansa.
“It appears that they have pulled out their investments as they failed to submit an updated report of their investments to the BOI as required by law creating the SIRV,” wika ni Libanan.
Aniya, ang SIRV ay special visa sa mga dayuhang negosyante upang sila ay makapamalagi sa bansa hangga’t may pinatatakbo pa silang negosyo na may capital na S75,000.
Nabatid na sa kabuuang 321 na inisyuhan ng SIRV, 11 lamang ang tumalima. (Ludy Bermudo)