Para kay Mary Ann Andes, 20 anyos, dapat magkaroon ng masayang kaayusan ang isang kabaong para gumaan kahit paano ang nagluluksang damdamin ng mga taong namatayan ng kanilang mahal sa buhay.
Mas mainam din anya ito sa mahihirap na mamamayan na namatayan para maibsan ang kanilang kalungkutan.
Isang tagadisenyo ng kabaong si Andes na ang pamilya ay namamalakad ng rent-a-coffin business sa Taguig, Metro Manila.
Ang ipinapaarkila nilang kabaong ay binubuo ng inside at outside coffin (panloob at panlabas na kabaong. Makikita sa outside coffin na pinapaarkila ang masayang disenyo habang ang inside coffin ay gawa sa kahoy at siyang kasama ng bangkay na malilibing.
“Tinatrabaho kong isama sa aking mga disenyo ang mga ulap na karaniwang ikinakambal sa langit,” sabi ni Andes sa isang panayam sa telepono.
Isa ring computer design student sa Asia Pacific University sa Makati City si Andes. Tinutulungan niya ang ama niyang si Antonio Andes Sr. sa kanilang negosyong paarkilahan ng kabaong na tinatangkilik ng mahihirap na mamamayan.
Nabatid na ang matandang Andes ay nakipagkasundo kina Trece Martirez City Mayor Jun de Sangun at Mabuhay Deseret Foundation head Bred Jackson para sa pagpapaarkila ng kanyang mga kabaong sa mga mahihirap na namamatayan.
Ang matandang Andes din ang lumikha ng kabaong na puwedeng gamitin nang ilang beses.
Ang mga reusable coffin o kabaong na paulit-ulit na nagagamit ay idinisenyo para sa mahihirap.