Malaking tulong umano sa pagsugpo ng illegal recruiters at human traffickers ang binuong task force ni Pangulong Arroyo laban sa illegal recruitment.
Ayon kay Bureau of Immigration (BI) Commissioner Marcelino Libanan, ang nasabing task force ay seryosong hakbang ng pamahalaan para masugpo ang mga illegal na aktibidad.
Siniguro nitong mas la long mapapaigting ang kampanya laban sa illegal recruitment bunsod ng pagbuo ng nasabing task force.
Sinabi ni Libanan na walang sasantuhin ang kampanya laban sa illegal recruiters at maging ang mga immigration officers na mapapatunayang kasabwat sa ganitong gawain ay di palulusutin.
Tiniyak naman ni Libanan kay Vice-President Noli de Castro ang buong suporta ng ahensya para maprotektahan ang mga overseas workers.
Itutuloy din aniya ng BI ang kanilang kampanya partikular ang pagharang sa mga OFWs na walang karampatang clearance mula sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA).
Magugunitang sa ipinalabas na executive order ng Pangulong Arroyo kamakailan inatasan nito ang task force, na magpatupad ng mga pamamaraan laban sa mga modus operandi ng mga illegal recruiters at mga sindikato na namemeke ng mga pasaporte at iba pang travel documents.
Si Vice Pres. de Castro ang itinalagang Chairman ng task force habang vice chairman naman si Li banan. (Gemma Amargo-Garcia)