Nakaalerto simula kahapon ang buong pamunuan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at Manila Domestic Airport dahil sa pagdagsa ng mga pasahero na umuuwi at dumarating para maghabol sa Todos Los Santos ngayong araw.
Ayon kay ret. general Angel Atutubo, MIAA Asst. general manager for emergency and security services, gaya nang isinasagawa taun-taun kapag sumasapit ang pagsalubong sa Undas ay nagdagdag at pinakikilos ang K-9 units sa buong NAIA complex upang masuri ang mga bagahe ng mga pasahero at mga sasakyang nagdadatingan.
Ang hakbang ay isinasagawa upang mapigilan ang anumang planong pananabotahe sa pagdagsa ng mga pasahero papasok at palabas ng airport.
Pinaalalahanan din ng opisyal ang mga pasahero na iwasan ang magbanggit o magbiro ng salitang “bomba” sa loob ng paliparan na mahigpit na ipinagbabawal dahil may kaukulang kaso at parusa ito. (Ellen Fernando)