Binira ni Sen. Francis “Chiz” Escudero ang kanyang mga kasamahan sa Senado dahil tila mas binibigyang prayoridad ng mga ito ang imbestigas yon sa mga “Euro generals” na sumabit sa P6.9 milyon kaysa sa P728 milyon na kinasabitan ni dating Agriculture undersecretary Jocelyn “Jocjoc” Bolante.
Ayon kay Escudero, maliwanag na may double standard ang ilang senador sa imbestigasyon ng fertilizer scandal at mga Euro generals gayong kung tutuusin umano ay ‘intact’ pa o hindi nagagalaw ang P6.9M kaysa sa P728 milyon na hindi na maaaring habulin ng gobyerno.
Partikular na tinukoy ni Escudero sina Sen. Edgardo Angara at Sen Juan Miguel Zubiri na gustong ipaubaya na lamang sa Ombudsman ang kaso ng fertilizer scam.
Maituturing aniyang barya lamang ang P6.7M sa P728M na pinaniniwalaang nalustay sa kampanya noong 2004 presidential elections.
“Hindi ko maintindihan ang ilang kasamahan ko sa senado. Galit na galit, nangngingitngit, nakipag away at binulyawan nila yung Euro generals. Pitong milyon lang naman ang involved dun,’ ani Escudero.
Una nang kinuwestiyon ni Angara ang warrant of arrest na ginamit ni Senate President Manuel Villar upang mailagay sa kustodiya ng Senado si Bolante.