Dalawa sa 8 Euro generals ang nagsoli kahapon ng perang ginamit nila sa Russia alinsunod na rin sa direktiba ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa na ibalik ang tig-P274,070 cash advance ng bawat isang delegado sa Interpol assembly.
Unang nagsoli si PNP Director for Operations Police Director Silverio Alarcio sa PNP Finance Service. Buong P274,000 ang ibinalik niya habang P100,000 lamang ang naisoli ni Director German Doria, Directorate for Human Resource and Doctrine Development. Pero nagbigay na lamang si Doria ng promissory note na balak niyang bayaran ang kakulangan sa loob ng 30 araw.
Inaasahan naman ng PNP na ibabalik ng anim pang generals ang kani-kanilang travel allowance kabilang na si dating PNP Comptrollership Eliseo dela Paz.
Ang kontrobersya ay sumingaw matapos masamsam sa bagahe ni de la Paz ang P 6.9 M sa Moscow airport noong Oktubre 11.
Sinabi ni Verzosa na ginawa ng mga opisyal ang pag-release ng pondo ng walang sapat na basbas mula sa kanyang tanggapan kaya dapat lamang na managot ang mga sangkot dito.
Bukod kay dela Paz, pinakakasuhan din ng administratibo at malversation of public funds sa Ombudsman sina Finance Service Director Chief Supt. Orlando Pestaño, S/Supt. Tomas Rentoy, Division Chief ng PNP Comptroller at Supt. Samuel Rodriguez, disbursing officer ng PNP Intelligence Group . (Joy Cantos)