Idineklara kahapon ng Philippine Drug Enforcement Agency na hindi na “poor man’s cocaine” ang shabu ngayon ngunit pang mayaman na dahil sa kamahalan nito at kakapusan sa suplay sa Pilipinas.
Sinabi ni PDEA Director General Dionisio Santiago Jr. na ito ang resulta ng pinaigting nilang kampanya katuwang ang Philippine National Police, National Bureau of Investigation at Bureau of Customs para mawalis ang shabu sa mga kalsada sa pamamagitan ng operasyon sa mga malalaking laboratoryo ng iligal na droga sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kasalukuyan umanong nagkakahalaga na ang isang gramo ng shabu ng P10,000 hanggang P15,000 na mas mahal pa ngayon kumpara sa ginto. Mas mataas ang naturang presyo ng lima hanggang walong ulit sa halaga nito noong nakaraang taon na nasa P2,000 lang kada gramo.
Mas mahal rin ang shabu ngayon sa cocaine na nagkakahalaga lamang ng P5,000 kada gramo. Dahil dito, napipilitan ang mga pusher na i-repack ang shabu ng patingi-tingi tulad ng .05 gramo upang makabili ang mga mahihirap.
Nag-umpisa umano ang pagtaas ng presyo nito sa kalagitnaan ng taong 2007 sa pagpapaigting ng operasyon ng PDEA. (Danilo Garcia)