Bolante darating na, Senado alerto
Matapos kalampagin ng mga kasamahang senador, inutusan kahapon ni Senate President Manuel Villar si retired Gen. Jose Balajadia Jr, Senate Sergeant-at-arms na ares tuhin si dating Agriculture Undersecretary Jocelyn “Joc-Joc” Bolante pagdating sa bansa.
Sa statement na ipinalabas kagabi ng opisina ni Villar, sinabi nito na inutusan na niya si Balajadia na ipatupad ang arrest warrant laban kay Bolante na ipinalabas ng Senado noong Disyembre 2005.
Pinaaaresto si Bolante dahil sa ilang beses na pang-iisnab nito sa mga pagdinig ng Senate Committees on Agriculture and Food at Accountability of Public Office and Investigations kaugnay sa P728 million Fertilizer Fund Scam.
Pinaniniwalaan na si Bolante ang utak sa pagda-divert ng pondo sa fertilizer sa campaign fund ni Pangulong Gloria Arroyo noong 2004.
Pinanindigan ni Villar na balido pa ang nilagdaan niyang arrest order noong vice chairman pa siya ng nabanggit na komite.
Ipinaliwanag pa ni Villar na hindi dapat maging katuwiran na wala nang bisa ang arrest warrant na ipinalabas noong 13th Congress dahil gagamitin itong sangkalan ng mga nang-iisnab sa mga imbestigasyon ng Senado.
Ayon pa kay Villar, inutos na rin niya na ipakalat ang mga tauhan ng OSSA sa Ninoy Aquino International Airport upang bantayan ang pagbabalik ni Bolante.
Hiningi noon pang Biyernes ni Senador Miriam Santiago ang pagdakip kay Bolante na inasahang darating ngayon makaraang ipadeport ng United States pabalik sa Pilipinas.
Pero nagkaroon ng kalituhan dahil nasa ibang bansa pa si Villar at walang pipirma ng arrest warrant. Nagkaroon din ng agam-agam dahil hindi matiyak kung bali do pa ang naunang arrest warrant na ipinalabas laban kay Bolante. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending