Dela Paz, 3 pang Euro general kakasuhan
Sasampahan ng kasong kriminal sa Ombudsman ng Philippine National Police si dating PNP Comptrollership Chief retired Director Eliseo dela Paz at tatlo pang opisyal na diumano’y nagsab watan sa pagpapalabas ng bulto ng salapi kaugnay ng ‘Euro scandal’ sa Russia noong Oktubre 11.
Sinabi ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa sa mga mamamahayag kahapon sa Camp Crame na, base sa inisyal na resulta ng imbestigasyon ng PNP Directorate for Investigation and Detective Management, merong basihan para sampahan ng kasong kriminal at administratibo sina dela Paz at mga kasama nito na sina Chief Supt. Orlando Pestano, Director ng PNP Finance Service; Sr. Supt. Thomas Rentoy, Chief ng Budget Division sa PNP Comptrollership; at Supt. Samuel Rodriguez, Disbursing Officer ng PNP Intelligence Group.
Sinabi ni Verzosa na lumilitaw sa inisyal na imbestigasyon na ang nasabing mga opisyal ay nagsabwatan sa iligal na pagpopondo, pagpapalabas at disbursement ng P7 milyon mula sa PNP confidential /intelligence funds na ginamit sa opisyal na misyon ng PNP delegation sa katatapos na ika-77 International Police General Assembly sa St. Petersburg, Russia noong Oktubre 6-10.
Ang kontrobersya ay sumingaw matapos mahuli ng Russian authorities sa bagahe ni dela Paz at ng misis nitong si Maria Fe ang 105,000 Euros o katumbas na P6.93 milyon sa Moscow airport sa nasabing bansa noong Oktubre 11 habang pauwi na ang PNP delegation.
Lumilitaw na P2.38M lamang ang inaprubahang pondo ng NAPOLCOM alinsunod sa rekomendasyon ng PNP subali’t mas malaki pa ang sinasabing cash advance na bitbit ni de la Paz.
Mistulang bombang sumabog na kumakalat ngayon sa You tube website ang ‘Euro scandal’ na kinasangkutan ni dela Paz.
Nabatid na iba’t-ibang anggulo ng nasabing ‘Euro scandal’ ang mapapanood sa You tube na ngayon ay pinagpipiyestahan hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa iba pang mga bansa. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending