Dayuhang pelikula pinapa-ban ng DDB
Hiniling kahapon ng Dangerous Drugs Board (DDB) sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na i-ban sa mga sinehan sa buong bansa ang pelikulang “Max Payne” dahil sa pagkilala umano nito sa iligal na droga.
Sa liham na ipinadala ni DDB Chairman, Secretary Vicente Sotto III kay MTRCB Chairperson Ma. Consoliza Laguardia, inirekomenda nito na kung hindi man i-ban ay gawing “For Adults Only” ang rating ng naturang pelikula sa halip na “PG 13” kung saan napapanood ito ng mga tinedyer.
Sinabi ni Sotto na nakatanggap siya ng napakaraming reklamo buhat sa mga magulang ukol sa nilalaman ng pelikula na maaaring makaimpluwensya sa kanilang mga anak.
Isang “senior staff” ni Sotto ang personal nitong pinanood ng naturang pelikula kung saan nakumpirma ang sumbong ng mga magulang.
Sa naturang pelikula, gumagamit muna ng bagong imbentong iligal na droga na tinatawag na “Valkyr” na siyang nagbibigay sa kanya ng kapangyarihan para labanan ang sindikato na pumaslang sa kanyang pamilya.
Sinabi ng DDB na hindi nila layunin na diktahan ang MTRCB sa trabaho nito dahil sa magkaiba sila ng mandato ngunit mas magiging madali umano ang trabaho ng DDB sa paglaban sa iligal na droga sa pakikipagtulungan ng ibang ahensya ng pamahalaan.
Masyado umanong kritikal ang MTRCB sa paghubog ng pagkatao ng mga kabataan sa bansa na umaasa sa pagkuha ng mga modelo base sa laman at dayalogo ng mga pelikula at palabas sa telebisyon na kanilang napapanood.
Bukod sa pagrebisa sa klasipikasyon ng naturang pelikula, hiniling rin ni Sotto kay Laguardia na kung maaari ay makipagkoordinasyon sa DDB sa mga pelikulang naglalaman ng mga isyu ukol sa iligal na droga. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending