Natiklo ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang hinihinalang human trafficker sa NAIA Terminal 2.
Sinabi ni BI Commissioner Marcelino Libanan na naaresto si Janet Java Onida, 29, sa pagtutulungan ng BI at National Bureau of Investigation (NBI). Dumating ang suspect mula Singapore sakay ng PAL flight PR 502 bandang 1:30 ng hapon kahapon.
Ayon kay Libanan, ang pagdating ni Onida ay ipinabatid ni Foreign Affairs Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs Esteban Conejos sa kanyang tanggapan.
“The DFA has received information that Onida was set to return from Singapore yesterday,” wika ni Libanan.
Agad inutusan ni Libanan si BI-NAIA Airport Operations Chief Ferdinand Sampol na atasan ang BI Migration Compliance and Monitoring Group na makipag-coordinate sa NBI para sa ikaaresto ni Onida.
Ayon sa isang complainant na isang 20-anyos na babae, kinuha umano siya ni Onida para magtrabaho bilang waitress sa Singapore dalawang taon na ang nakararaan. Umalis siya patungong Singapore noong April 2006, ngunit ipinasa bilang prostitute sa kanyang pagdating.
Aniya, ginahasa siya ng ilang dayuhan ngunit nagawa niyang makatakas at makabalik sa Pilipinas. Agad siyang nagsampa ng kaso laban kay Onida sa Quezon City Regional Trial Court sa kanyang pagdating. (Butch Quejada)