Ikinatuwa ng mga residente ng Tala, Caloocan City, lalo na ang mga may Hansen’s disease o ketong, ang ordinansang inaprubahan kamakailan ni Caloocan City Mayor Enrico “Eecom” Echiverri na naglilibre sa mga ito sa pagbabayad ng anumang burial fee.
Inililibre ng Ordinance No. 0446 s. 2008 ang sinumang nagkasakit ng ketong sa anumang burial permit fee at upa sa mga lote ng sementeryo o nitso kapag inilibing ito sa Tala Cemetery.
Ayon kay Echiverri, ang Tala Cemetery, na itinuturing na isang public cemetery, ay matatagpuan sa Phase 7-A sa Bagong Silang.
Sinabi pa ng alkalde na pangunahing itinayo ang Tala Cemetery para sa mga namatay na may leprosy.
Ayon naman sa isang leprosy patient na si Toni Mercado, 66, “malaking tulong ang ipinasang ordinansa nina Mayor Echiverri at Sangguniang Panlungsod, lalo na sa pamilya ng mga may sakit na namatay at sa mga dating pasyenteng walang pampalibing.”
Si Mercado ay kabilang sa tinatayang 3,000 may ketong na nagalak sa naturang ordinansa. Silang lahat ay nakatira sa loob ng Dr. Jose Rodriguez Memorial Medical Hospital and Sanitarium (JNRMHS) o ang dating Tala Leprosarium.
Kaugnay nito, sinabi ni Echiverri na kailangan munang kumuha ng sertipikasyon mula sa JNRMHS ang sinumang aplikante upang patunayan na nagkasakit nga ito ng ketong. (Lordeth Bonilla)